Babalik na sa trabaho sa Lunes si PNP chief Gen. Archie Francisco Gamboa matapos na makapagpagaling sa kanyang mga “injuries” kasunod nang pagbagsak ng kanyang sinakyang helicopter kahapon sa San Pedro, Laguna.
Ito ang kinumpirma ni PNP Deputy Chief for Administration Lt Gen. Camilo Pancratius Cascolan matapos siyang italaga ni DILG Sec. Eduardo Año bilang OIC ng PNP habang nasa ospital si Gamboa.
Sinabi ni Cascolan, over the weekend lang siyang magsisilbing OIC dahil inaasahan na magre-report for duty na si Gamboa sa Lunes.
Ayon kay Cascolan, bilang pangalawang pinakamataas na opisyal ng PNP normal lang na siya ang mag-take over sa PNP chief habang nakabakasyon ito.
Habang si B/Gen. Ronald Olay naman ang itinalaga ni Gamboa bilang OIC ng Directorate for Comptrollership kapalit ni M/Gen. Jose Ma. Victor Ramos na nasa kritikal pa ring kondisyon.
Habang si B/Gen. Jesus Cambay Jr naman ang uupong OIC ng Directorate for Intelligence kapalit pansamantala ni M/Gen. Mariel Magaway.
Sa video message na inilabas ng PNP, nagsalita si Gamboa at sinabing okay naman siya at balik na siya sa trabaho sa Lunes.
Hiling ni Gamboa ang dasal para sa recovery ng dalawang heneral na nasa kritikal pa rin na kondisyon.
Apela naman niya sa publiko na huwag ng ikalat pa ang mga larawan nila habang nasa crash site.
Siniguro ni Gamboa na ipapatupad ng PNP ang batas.
Sa ngayon, gumugulong na ang imbestigasyon ng PNP SITG na pinamumunuan ni Lt Gen. Guillermo Eleazar.