-- Advertisements --

Umaasa ang mga players ng Milwaukee Bucks na ang buwena manong panalo nila kanina kontra sa powerhouse team na Brooklyn Nets ay panimulang pabuwenas upang maulit ang pagkampeon nila sa NBA.

Ayon kay Bucks superstar at dating MVP Giannis Antetokounmpo, excited siya sa pagsisimula ng bagong season ng NBA at sana raw ay mapanatili nila ang paglalaro ng magandang basketball upang maulit na madepensahan nila ang korona.

Una nang tinambakan kanina ng Bucks ang Brooklyn sa iskor na 127-104.

Agad na nagpakitang gilas si Giannis na kumamada ng 32 puntos na sinamahan pa ng 14 na rebounds.

Sa Brooklyn, nasayang ang ginawa nina Kevin Durant na may 32 points at 11 rebounds, habang si James Harden ay nagtapos sa 20 points.

Tulad ng inaasahan ang isa sa big three sa Nets na si Kyrie Irving ay hindi pa rin nakalaro dahil sa hindi pa nagpapabakuna.

Bago magsimula ang laro, iginawad muna sa mga players ng Milwaukee ang kani-kanilang mga championship ring sa isinagawang seremonyas sa harap ng selebrasyon ng libu-libong mga fans.