Nanawagan ang ilang kongresista sa PhilHealth na sagutin ang lahat ng gastusin sa pagpapa-ospital ng mga COVID-19 patients.
Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations, hinimok ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor ang PhilHealth na alisin na ang limit sa kung magkano lang ang dapat na sagutin sa pagpapagamot ng mga nagpositibo sa COVID-19.
“In this emergency situation, we should allow the maximum utilization of PhilHealth… Dapat dito wala nang limit,” ani Defensor.
Natukoy na sa testing pa lamang sa nakitaan ng sintomas ng COVID-19 ay aabot na sa P18,000 ang gagastusin ng isang indibidwal.
Kulang ito ayon kay Defensor sa P14,000 package na ibinibigay sa ngayon ng PhilHealth dahil kapag nagpositibo na ang isang indibidwal sa COVID-19 ay tinatayang aabot na sa P48,000 kada araw ang gagastusin nito sa pagpapagamot, at inaasahang tataas pa sa oras na lumala ang sitwasyon.
Nauna nang nanawagan si Cabinet Sec. Karlo Nograles sa PhilHealth na sagutin ang gastos sa COVID-19 tests sa mga ospital bukod pa sa quarantine at isolation costs.
Nabatid na sa ngayon 33 na ang nagpositibo sa COVID-19 sa bansa at dalawa rito ayon kay Duque ay nasa kritikal na kondisyon dahil sa existing medical problems tulad ng diabetes, hypertension at kidney injury.