-- Advertisements --

ILOILO CITY – Umaasa si Department of Health Usec. Dr. Gerardo Bayugo na muling ibabasura ang kasong reckless imprudence resulting to homicide na isinampa ng Department of Justice laban sa kanya at sa siyam na iba pa kaugnay sa kontrobersyal na Dengvaxia vaccine.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Bayugo, sinabi nito na nananalingin ito na maibasura ang kaso sa kabila ng pahayag ng state prosecutors ng Department of Justice na may nakitang probable cause upang ma-indict ito sa kaso kabilang na sina dating Health Secretary at ngayon Iloilo 1st District Rep. Janette Garin, mga opisyal ng Department of Health, Research Institute for Tropical Medicine, Sanofi Pasteur Incorporated, at Food and Drug Administration.

Inamin naman ni Bayugo, na masama ang kanyang loob sa kaso laban sa kanila lalo na ngayo’t abala sila sa mga Filipino repatriates na isinailim sa quarantine dahil sa COVID-19.

Dagdag pa nito, maliban sa aksaya lang ito sa oras, aksaya rin ito sa pera na kailangan nilang gamitin para sa piyansa.

Sa kabila nito, nagpahayag si Bayugo na handa itong makulong oras na wala na itong pampiyansa ngunit sa kondisyon na hindi isisilbi sa kanya ang warrant of arrest ngayong nasa kasagsagan ito ng kanyang trabaho bilang opisyal ng Department of Health (DOH).

Kabilang pa sa tinututukan ngayon ng DOH ay ang repatriation ng halos 500 crew ng cruise ship na manggagaling sa Japan.