-- Advertisements --
sona 2018 hOUSE
State of the Nation Address 2018 (video grab from RTVM)

Umaasa ang Malacañang na walang eksenang posibleng makaagaw o makagulo sa gagawing State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong araw.

Magugunitang ilang oras bago ang SONA ni Pangulong Duterte noong nakaraang taon ay nagkaroon ng kudeta sa liderato ng Kamara kung saan ay napatalsik si dating Speaker Pantaleon Alvarez at pinalitan siya ni dating pangulo at Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.

Sinabi ni Communications Sec. Martin Andanar, mahalaga na walang aagaw ng eksena sa SONA para walang aberya ang Ulat sa Bayan ni Pangulong Duterte.

Ayon kay Sec. Andanar, sa araw na ito mapapakinggan ng bawat Pilipino lalong lalo na ang masa kung anong plano ni Pangulong Duterte para sa susunod na tatlong taon.

Binigyang-diin ni Andanar na mahirap kung mawala sa pokus ang Pangulo gaya ng nangyaring SONA noong nakaraang taon kaya sana umano ay wala nang anumang insidente o kontrobersiyang mangyari sa Kamara bago ito humarap sa sambayanan mamayang hapon.

“Alam mo, sana wala, kasi it steals the thunder from the President at iyong SONA ay napakahalaga dahil state of the nation eh. Ito ay estado ng bansa natin at ito iyong panahon na nakakausap ng Presidente ang buong Pilipinas, bawat Pilipino at napapakinggan ng bawat Pilipino lalung-lalo ng masa kung anong plano talaga ng Presidente for the next three years, ‘saan ba tayo nito?” ani Sec. Andanar.