Mismong si Bureau of Corrections (BuCor) chief Nicanor Faeldon na ang nagsabi na manipis pa ang tsansang makalaya ang convicted murderer and rapist na si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez.
Ito’y sa gitna ng lumutang na balita na posibleng makalabas ng New Bilibid Prison ang dating alkalde sa bisa ng binuhay na batas na kumikilala sa good conduct time allowance (GCTA) ng mga preso.
Ayon kay Faeldon, mabigat na ground para ma-disqualify sa pagkaka-grant ng GCTA ang sino mang inmate na nadawit sa issue ng iligal na droga habang nasa loob ng kulungan.
“He may not be qualified to go home today or in the next few months. Mukhang hindi sya mapapasok kaagad (sa GCTA),” ani Faeldon.
Taong 2006 nang kasuhan si Sanchez matapos madiskubre ang mga nakatagong shabu at marijuana sa loob ng kanyang selda. Pero ibinasura rin ito noong 2011.
Gayunpaman, nahulihan muli ito ng P1.5-million na halaga ng shabu noong 2010 nang makitang nakasilid ito sa loob ng istatwa ng poon sa kanyang kubol.
Noong 2015 naman, nadiskubre rin ng mga otoridad ang marangyang buhay ni Sanchez dahil sa tv at airconditiong units sa loob ng kanyang selda.
Lahat ng ito’y paglabag umano sa panuntunan ng Bilibid.
“Although na-dismiss yan sa korte, but as far as the Bureau is concerned, nahuli yan doon sa kanyang kubol, so he’s violated that. So that will also be subject for review. Baka hindi (siya) qualified kasi mayroon ka ngang nahuli sa kubol mo eh.”
“Nagtayo ka ng luxurious na kubol mo dyan, good behavior ba yan? Samantalang yung kasamahan mo natutulog sa butas butas. Those are records that will definitely disqualify certain period of time.”
Nilinaw ni Faeldon na hindi pa nakakalaya si Sanchez, gayundin na hindi pa dumadaan sa malalimang pagre-review ang records ng dating alkalde.
Kaya imposible raw na makasama ang dating mayor sa 11,000 inmates na nakatakdang makalaya dahil sa bisa ng good conduct time allowance.
Handa rin umano ang BuCor na ipakita sa pamilya ng mga biktimang sina Eileen Sarmenta at Allan Gomez ang magiging proseso ng computation ng GCTA ni Sanchez.
“We are inviting everyone to please go here and participate; not just the family, we are inviting all of you.”
Sinentensyahan ng panghabang buhay na pagkakakulong si Sanchez sa pitong counts ng kasong rape at dalawang counts ng murder noong 1995.
Ito’y matapos madawit sa insidente ng panggagahasa at pagpatay noong 1993 sa UP Los Baños student na si Sarmenta at kaibigang si Gomez.