Pinatawag ng Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (SOSIA) ng PNP ang lahat ng mga security guards ng NC Lanting Security Agency at pinasusumite ng mga dokumento at maging ang kanilang mga pahayag kaugnay sa nangyaring pag-atake sa Resorts World Manila na ikinasawi ng 37 katao habang 54 ang sugatan.
Binigyan ng SOSIA hanggang bukas ang mga ito para isumite ang mga nasabing dokumento.
Ayon kay Police Senior Supt. Ildebrando Usana, assistant chief ng SOSIA, ang resulta ng imbestigasyon ay naka-depende sa report na kailangan ma-submit ng investigators at dito magre-reflect kung anong sanction ang puwedeng mairekomenda ng hepe ng SOSIA sa higher ups.
Pahayag ni Usana na mismo ang CCTV ay pruweba at dito makikita na may lapses talaga sa hanay ng mga security guard.
“CCTV can speak for itself at nakikita din natin kung ano yung mga lapses that were found during the past reviews made including sa congress and eventually with the lapses that have been committed by the agency concern in this case the NC Lanting there might be probable cause that may lead to sanction,” pahayag ni Usana.
Inihayag ni Usana na pwedeng administrative sanction ang parusa na ipapataw sa NC Lanting security agency hanggang sa kanselasyon at pagsuspinde sa lisensiya ng nasabing security provider.