Nagmatigas ang mga mambabatas sa Amerika na itutuloy nila ang pagpataw ng mabigat na sanctions laban kay Turkish President Recep Tayyip Erdogan at sa gobyerno nito.
Ito ay sa kabila na pumayag na si Erdogan ng limang araw na tigil putukan sa opensiba sa border ng Syria kung saan nandoon ang mga Kurdish rebels.
Ayon kay Republican Senator Lindsey Graham itutuloy nila ang pagpapatibay ng sanctions na suportado maging ng mga kapartido ni US President Donald Trump sa Republicans at mga Democrats.
Kabilang sa nilulutong sanctions ng Senado ng Amerika, ang pagpataw ng parusa sa mga top Turkish officials, paglimita sa visa access nila sa pagbiyahe sa Estados Unidos, pagpapaimbestiga sa mga kayaman ni President Erdogan, pagpataw ng mabigat na multa sa bangko ng Turkey na Halkbank at ang pagbabawal sa mga US investors na bumili ng tinatawag na Turkish sovereign debt.
Una rito, inalis na ang sanction na ipinataw ni President Trump sa Turkey nang pumayag si Erdogan sa ceasefire.