KALIBO, Aklan—Bubuhaying muli ang mga sand castle na isa sa mga atraksyong makikita sa dalampasigan sa isla ng Boracay.
Ito ay matapos na inaprubahan sa Sangguniang Panlalawigan ng Aklan ang ilang inilaan na regulasyon sa mga sand castle artists.
Ayon kay Malay sangguniang bayan member Dante Pagsuguiron, binago ang ordinansa patungkol dito upang mabigyang muli ng trabaho ang mga residente at mapalakas pa ang turismo sa isla.
Una rito, ipinagbabawal sa isang ordinansa ng lokal na pamahalaan ng Malay ang pagtatayo ng mga sand castle o kastilyong buhangin sa beach front dahil nakakasira umano ito sa “natural terrain” ng baybayin sa panahon ng Boracay closure noong Abril 26, 2018.
Dagdag pa ni Pagsuguiron na nagkaroon ng probisyon ang ordinansa ng LGU gaya ng limitasyon sa paniningil sa mga gustong magpakuha ng litrato dito; pagkaroon ng designated area; pagpapatag ng buhangin matapos na maipatayo ito at iba pa.
Iginiit ng opisyal na ang fixed price para sa picture taking sa mga sand castle ay nasa P20 ang minimum at 50 pesos naman ang maximum na bayad at libre na sa mga nasa edad 12 anyos pababa.
Makikita lamang ang mga kastilyong buhangin mula alas-10:00 ng umaga hanggang alas-10:00 ng gabi.
Sa ngayon aniya ay hinihintay na lamang ang notice mula sa kinauukulan upang makapagsimula na ang sand making association.