Nanindigan ang Malacañang na hindi pinakikialaman ni Pangulong Rodrigo Duterte ang proseso ng hudikatura.
Ginawa ng Malacañang ang paglilinaw kasunod ng sinabi ni Pangulong Duterte sa isa sa kanyang talumpati kamakailanna gumawa siya ng arrangements para payagan ng Sandiganbayan si Moro National Liberation Front (MNLF) founding Chairman Nur Misuari na makalabas ng bansa sa kabila ng kasong kinakaharap nito.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, ipinaabot lang ni Pangulong Duterte ang kanyang opinyon sa korte na wala itong dapat ikabahala kung papayagan si Misuari na malabas ng bansa, pero hindi naman daw nito pinilit ang Sandiganbayan.
Ayon kay Sec. Panelo, ang ginawa ni Pangulong Duterte ay panghihikayat lamang pero huli ay korte pa rin ang nagdesisyong payagan ang motion to travel ni Misuari.
Ipinaliwanag rin ni Sec. Panelo na importante si Misuari kay Pangulong Duterte dahil nakasalalay umano sa kanya ang pagresolba sa problema sa Mindanao.