Binaliktad ng Sandiganbayan Special Fifth Division ang conviction kay Senator Jinggoy Estrada sa kasong direct bribery may kinalaman sa umano’y misuse ng pork barrel funds dahil sa kawalan ng sapat na ebidensiya.
Sa 26 na pahinang resolusyon, kinatigan ng antigraft ang mosyon ng Senador na baliktarin ang kaniyang conviction dahil nabigo umano ang prosekusyon na magpresenta ng direkta at kapani-paniwalang ebidensiya na nakatanggap nga si Sen. Jinggoy ng P1 million mula sa P5 million na nakuha ng kaniyang deputy chief of staff na si Pauline Labayen mula sa negosyanteng si Janet Lim-Napoles noong 2008.
Matatandaan na nag-ugat ang naturang kaso mula sa records ng PDAF whistleblower at pinsan ni Napoles na si Benhur Luy at mula sa report ng Anti-Money Laundering Council kung saan natuklasan ang pagdeposito ni Estrada ng P1 million sa parehong araw na nakatanggap ang kaniyang aide ng P5 million.
Subalit ipinunto ng korte na maliban sa pagkakapareha ng petsa ng transaksiyon, walang ibang ebidensiya ang iprinisenta para mapatunayang nagmula ang pondo kay Labayen papunta kay Estrada.
Isinantabi din ng special division ang indirect bribery conviction ng Senador dahil sa kawalan ng essential elements ng original complaint na magpapanagot sa kaniya para sa mas magaang krimen sa pamamagitan ng variance rule.
Ang indirect bribery conviction naman ay nag-ugat sa P1.5 million at P4.2 million kabayaran umano kay Estrada na hiwalay na idinaan umano ni Napoles sa pamamagitan ng kaniyang umano’y collecting agent na si Ruby Tuason.
Subalit ayon sa Sandiganbayan, hindi nakita ang mga detalyeng ito sa reklamo na nagresulta sa insufficiency ng mga alegasyon para masabing nagkaroon ng indirect bribery.
Samantala, bahagya namang kinatigan ng Sandiganbayan ang hiwalay na motion for reconsideration ni pork barrel queen Napoles kung saan pinagtibay ng special division ang kaniyang conviction sa 4 na bilang ng korupsiyon may kinalaman sa mga transaksiyon kay Labayen na nananatiling nagtatago.