Ibinasura ng Sandiganbayan ang apela ni dating Department of Health Secretary at kasalukuyang Iloilo District Rep. Janette Garin para i-dismiss ang mga kinakaharap nitong kaso ng graft at iligal na paggamit ng public funds may kaugnayan sa kontrobersiya sa Dengvaxia vaccine.
Ibinasura din ng anti-graft court Secon Division ang parehong apela ng kapwa akusado ni Cong. Garin na sina dating DOH Undersecretary Gerardo Bayugo at Kenneth Hartigan-Go, dating DOH Officer-in-Charge Director Maria Joyce Ducusin at dating Philippine Children’s Medical Center Executive Director Julius Lecciones.
Sa 9 na pahinang resolution na may petsang Enero 10, 2023, sinabi ng korte na ang mga alegasyon laban sa mga akusado ay sapat at naglalaman ng mga elemento ng paglabag sa Section 3 (e) ng RA 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act at mga elemento ng paglabag ng Article 202 ng Revised Penal Code.
Maalalang kinasuhan si Garin at co-accused nito ng umano’y nagsabwatan sa pagitan ng mga dating opisyal sa pagbili ng Dengvaxia vaccine.
Nabatid na ang P3.57 billion mula sa pondo para sa Expanded Program for Immunization (EPI) ay ginamit pambili ng Dengvaxia vaccine na gawa ng French pharmaceutical giant na Sanofi noong 2016.
Sa kabila nito, nag-post ng piyansa ang mga akusado at iginiit na sila ay inosente.