-- Advertisements --

Ibinasura ng Sandiganbayan ang hiling nina dating Quezon City Mayor Herbert Bautista at dating city administrator Aldrin Cuña na mabaligtad ang kanilang pagkakakulong kaugnay sa P32.1 million maanomalyang procurement ng digital permit system noong 2019.

Sa desisyon ng korte, pinanatili nito ang hatol na guilty sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang dalawa matapos aprubahan nina Bautista at Cuña ang kabuuang bayad sa Geodata Solutions Inc. para sa isang online permit system, kahit hindi pa ito ganap na naideliver at may mga depekto.

Ayon sa Sandiganbayan, minadali ng dalawa ang pagbabayad, dalawang araw bago sila bumaba sa puwesto noong Hunyo 30, 2019, kahit wala pa ang software component ng mga equipment.

Bigo rin umano silang pansinin ang mga “red flags” na dapat sana’y naging dahilan para ihinto ang transaksiyon.

Bilang parusa, sinentensiyahan sila ng hanggang 10 taong pagkakakulong at pinagbayad ng P32,107,912.50 bilang kabayaran sa nawaldas na pondo.

Bukod sa kasong ito, may isa pang kinahaharap na graft case sina Bautista at Cuña kaugnay ng P25.34-milyong bayad para sa solar power at waterproofing project sa isang gusali ng lungsod noong 2019.