Halos isang dekada matapos kasuhan ng plunder si dating Senador Juan Ponce Enrile at ang kanyang dating Chief-of-Staff na si Jessica Lucila “Gigi” Reyes kaugnay sa isyu ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) ni Enrile, nagsagawa ng huling pagdinig sa kaso ang Sandiganbayan.
Matatandaang sina Enrile at Reyes ay inakusahan ng maling paggamit ng PDAF ng dating mambabatas sa mga bogus na non-government organizations ni Janet Lim-Napoles at nagbulsa umano ng P172.83 milyong kickback.
Sa pagdinig ng Sandiganbayan 3rd Division, iniharap ng kampo ni Reyes ang kanilang huling testigo na si Yolanda Doblon na dating Director General ng Legislative Budget Research and Monitoring Office (LBRMO) na naghanda ng letter of endorsement para sa pagpapalabas ng nasabing PDAF.
Ipinakita ng abogado ni Reyes kay Doblon ang 7 diumano’y endorsement letter na may pirma ni Reyes at tinanong kung may nalalaman siya dito.
Sinubukan naman ng prosekusyon na tutulan ito sa pagsasabing hindi competent witness si Doblon dahil lahat umano ng liham na isinusulat ng LBRMO ay naka-address sa Department of Budget and Management habang ang mga liham ni Reyes ay nakadirekta sa implementing agencies.
Sa kabila nito pinayagan ng anti-graft court ang pagpresenta ng mga liham sa testigo subalit sinabi nito na hindi niya alam ang mga dokumento at ito ang unang pagkakataon na nakita niya ang mga ito.
Kaugnay nito, inutusan ang defense na magsumite ng formal offer of evidence sa loob ng 15 araw. Ang prosekusyon ay binibigyan din ng parehong panahon upang maghain ng kanilang komento o pagsalungat saka magdedesisyon ang mga hukom sa naturang kaso.
Sa kasagsagan ng pagdinig, sinabi ni Atty. Estelito Mendoza, abogado ni Enrile na siya ay tatayong collaborating counsel para kay Reyes na pinayagan naman ng Korte.