Muling ibinasura ng Sandiganbayan ang bail petition ng kontrobersiyal na personaheng sangkot sa maanomaliyang pagbili ng P24 million textbook na si Mary Ann Maslog.
Nauna ng naghain ng ikalawang motion for reconsideration noong Disyembre 12, 2024 si Maslog na kilala din sa alias na Dra. Jessica Francisco. Sa mosyong inihain ni Maslog, hiniling nito na baliktarin ng korte ang nauna nitong desisyon na nagbasura sa kaniyang bail petition na inihain noong Nov. 25, 2024.
Subalit sa resolution noong Dec. 19, 2024, ibinasura ng Sandiganbayan Second Division ang kaniyang mosyon dahil sa kawalan ng merito matapos ang masinsinang pagbusisi sa mga argumentong iprenisenta ng akusado at prosekusyon.
Ipinunto ng anti-graft court na ang paulit-ulit na aksiyon ni Maslog na pag-iwas gaya ng paglagak ng piyansa, paggamit ng magkakaibang alias at pagtakas sa ibang bansa ay nagpapakita ng matinding paglabag sa kaniyang mga legal na pananagutan.
Inalala ng korte ang pagpayag kay Maslog na makapag-piyansa noong 2017 kung saan hindi na ito nagpakita pa o humarap sa mga sumunod na pagdinig at inabandona ang kaniyang commitment na harapin ang kaniyang mga kaso.
Ang paggamit din aniya ni Maslog ng pekeng identity kabilang na ang Dra. Jessica Sese Francisco ay nagpapakita ng kaniyang malinaw na intensiyon para takasan ang kaniyang pananagutan.
Saad pa ng korte na tinakasan ni Maslog ang pag-uusig laban sa kaniya at niligaw ang imbestigasyon ng mga awtoridad matapos nitong pekehin ang kaniyang pagkamatay.
Subalit, nabunyag na buhay pa si Maslog matapos itong maaresto ng NBI noong Setyembre 25, 2024 makaraang sampahan ng reklamo ang isang Jessica Francisco na kalaunan ay nabunyag na si Maslog matapos tumugma ang fingerprints.