-- Advertisements --

ILOILO CITY – Hinihintay na lang ng Police Regional Office 6 ang kopya ng warrant of arrest na kanilang isisilbi kay Antique Governor Rhodora Cadiao.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Police Major Mary Grace Borio, spokesperson ng Police Regional Office 6, sinabi nito na wala silang sasantuhin sa pagsilbi ng warrant of arrest kung ito ay naayon sa batas.

Ang warrant of arrest hinggil sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act ay pirmado ni Sandiganbayan Seventh Division Chairperson Associate Justice Ma. Theresa Dolores Estoesta at pyansa na P90,000.

Nag-ugat ang kaso noong taong 2016 matapos inilipat ni Cadiao si General Services Office head Antonio Dela Vega sa kanilang satellite office sa Culasi, na may layong 100 kilometers sa provincial capitol sa bayan ng San Jose.

Humingi ng tulong si Dela Vega hinggil sa kanyang ”transfer order” sa Civil Service Commission, sa paniniwala niya na katumbas ito ng ”constructive dismissal”.

Noong Marso 2017, iniutos ng Civil Service Commission ang pag-reinstate kay Dela Vega sa Provincial General Services Office at ni-request ang provincial government na bayaran ito ng kanyang representation at travel allowance (RATA) at iba pang mga benefits na nararapat na kanya mula nang inilipat ito sa Culasi, mula noong Hulyo 2016 hanggang Pebrero 2018.

Nagdesisyon naman si Dela Vega na magsampa ng reklamo laban kay Cadiao sa Office of the Ombudsman Visayas noong taong 2018 matapos wala itong natanggap na benefits ayon sa kautusan ng Civil Service Commission.

Hindi naman pinirmahan ng gobernador ang kanyang daily time record na nagresulta sa kabiguan ng Provincial Accountant at Provincial Treasurer na iproseso ang paglabas ng kanyang benepisyo.

Nakitaan naman ng Ombudsman ng probable cause upang i-indict si Cadiao sa one count ng paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act sa resolution na may petsang Setyembre 2, 2019.

Ito ay pirmado ni Deputy Ombudsman for the Visayas Paul Elmer Clemente at inaprubahan ni Ombudsman Samuel Martires noong Oktubre 22, 2021.

Noong Hunyo 7, 2023, inilabas ang arrest warrant laban kay Cadiao.

Ang utos na arestuhin si Cadiao ay naka-address sa Philippine National Police chief; director ng National Bureau of Investigation; chief of police ng San Jose, Antique; police provincial director ng Antique; at director ng NBI sa Region 6.

Hiningan naman ng Bombo Radyo Iloilo ng sagot si Cadiao ngunit hiniling nito hindi muna siya magbibigay ng anumang kumento.