Tinanggihan ng Sandiganbayan ang apela ni Senator Jinggoy Estrada na ibasura ang 11 counts ng graft na isinampa laban sa kanya kaugnay ng mga umano’y maling paggamit ng P183 million mula sa kanyang pork barrel.
Sa isang 99-pahina na resolusyon, binigyang-diin ng anti-graft court ang testimonya ng mga whistleblower at mga ebidensyang nagpapatunay na ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) ni Estrada ay ipinasa sa mga NGO na pinatatakbo ni Janet Lim Napoles, na nagpatupad ng mga pekeng proyekto.
Ayon sa COA report, hindi naipatupad ng mga ahensya ng gobyerno ang mga proyektong ito at ang mga pondo ay dumaan lamang sa mga NGO na may mga isyu sa documentation at ‘walang tamang proseso.
Kabilang sa mga ebidensya ang mga dokumento mula kay Benhur Luy na nagpatunay na tumanggap si Estrada ng kickbacks na umaabot sa P183.7 million kapalit ng kanyang pag-endorso sa mga NGO.
Sa kabilang banda tinanggihan din ng Sandiganbayan ang mosyon ni Estrada na peke umano ang mga dokumentong ginamit laban sa kanya at pinanigan lang umano ang mga ebidensya mula sa NBI at iba pang ahensya.
Gayunpaman, ipinagpatuloy ng korte ang mga kasong graft laban kay Estrada at tinanggihan ang kanyang mga mosyon na ibasura ang kaso.