Inilabas na ang arrest warrant laban kay Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Board member Sandra Cam, anak nito na si Marco Martin, at anim pang indibidwal dahil sa umano’y koneksyon ng mga ito sa pagpatay kay dating Batuan, Masbate Vice Mayor Charlie Yuson III sa Maynila, dalawang taon na ang nakalilipas.
Inisyu ni Manila Regional Trial Court Branch 42 Judge Dinnah Aguila-Topacio ang naturang warrant para sa murder at frustrated murder charges na inihain sa Department of Justice (DOJ) laban kay Cam.
Batay sa resolusyon ng Department of Justice Panel of Prosecutors, ang complaint affidavit at iba pang dokumento na ibinigay sa mga ito ay nakitaan ng probable cause upang maglabas ng warrant of arrest sa akusado.
Hindi naman papayagan ang mga ito na mag-piyansa.
Iniutos din ng korte ang pag-aresto kila Nelson Cambaya, Junel Gomez, Juanito De Luna, Bradford Solis, at Rigor dela Cruz.
Kung maaalala, kumakain ng agahan si Yuson kasama ang kaniyang aide na kinilalang si Alberto Alforte at Wilfredo Pineda sa isang kainan sa Sampaloc, Manila nang bigla silang atakihin noong Oktubre 10, 2019.
Nagtamo ng sugat sa katawan sina Alforte at Pineda subalit namatay naman si Yuson.
Ilang beses nang iginiit ni Cam na wala siyang koneksyon sa insidente.
Natalo kasi ng anak ni Yuson na si Charmax Jan ang anak ni Cam na si Marco sa pagka-alkalde ng Batuan noong 2019.