Maglalabas umano si Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) board member Sandra Cam ng “nakakgulat” na mga dokumentong magpapatunay sa umano’y kurapsyon sa operasyon ng small-town lottery (STL).
Pahayag ito ni Cam matapos bawiin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang suspensyon sa STL operations noong nakalipas na linggo subalit may mga itinakdang kondisyon.
“Meron akong mga dokumento na shocking about STL. Masha-shock po dito ang publiko at magiging eye-opener ito sa lahat, na hindi lahat ng ginusto niyo makukuha niyo,” wika ni Cam.
Hindi naman pinangalanan ni Cam ang mga PCSO officials na umano’y dawit sa katiwalian dahil sa nakabinbing congressional inquiry at ang hiwalay namang imbestigasyon ng Presidential Anti Corruption Commission.
“I want to address this to PCSO Board of Directors and officials there, bumalik po ang STL but Sandra Cam will not stop,” ani Cam.
May kilala rin aniya siyang ilang mga mambabatas na “protektor” ng mga katiwaliang nagaganap sa STL.
“A lot of congressmen medyo galit sakin kasi syempre protector sila but I’m saying now, no sacred cow for Sandra Cam,” dagdag nito.
Una nang sinabi ng Malacañang kay Cam na magsampa ng reklamo laban sa mga STL operators na umano’y dawit sa katiwalian.
Ito’y matapos na ihayag ni Cam na ilan daw sa mga ito, kung saan kabilang din umano ang ilan sa mga kaibigan ni Pangulong Duterte, ay hindi inire-remit ang kita na dapat sana’y napupunta sa PCSO.
Samantala, handa umano si Cam na magbitiw sa puwesto sakaling walang mangyari sa imbestigasyon.
“I will give my job 2 to 3 months at kapag walang mangyari, I will ask the president to give me another post kaysa naman mamatay ako nang wala sa oras,” anang opisyal.