Kapwa nag-init sina Ian Sangalang at Paul Lee upang pangunahan ang Magnolia Hotshots sa 103-86 paglampaso sa Alaska Aces sa 2019 Philippine Cup nitong Sabado, Marso 9.
Nagtapos na may impresibong 24 points, 14 rebounds, anim na assists at tatlong blocks si Sangalang, na dinagdagan naman ni Lee ng 20 points at walong rebounds mula sa bench upang iahon ang Hotshots.
Dahil dito, napaganda ng Magnolia sa 2-4 ang kanilang baraha upang manatiling buhay ang pag-asa na makapasok sa playoffs.
Naging gitgitan ang bakbakan kasunod ng maitabla sa 27-all ang iskor sa unang yugto, bago humataw ang Hotshots at maitala ang 54-42 abanse sa halftime.
Bagama’t nagawa ng Aces na matapyasan sa walo ang kanilang agwat tampok ang back-to-back buckets ni MJ Ayaay sa nalalabing pitong minuto, hindi na nakahabol pa ang Alaska.
Kumamada naman ng 26 points si Chris Banchero para sa Alaska kung saan 21 rito ay kanyang ibinuhos sa first half.
Narito ang mga iskor:
Magnolia (103) – Sangalang 24, Lee 20, Barroca 19, Brondial 12, Jalalon 12, Reavis 7, Ramos 3, Herndon 2, Melton 2, Dela Rosa 2, Pascual 0.
Alaska (86) – Banchero 26, Teng 17, Exciminiano 13, Cruz 9, Ayaay 6, Enciso 5, Thoss 4, Pascual 4, Baclao 2, Galliguez 0, Andrada 0.
Quarterscores: 27-27; 54-42; 75-59; 103-86.