-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Hinostage ng kanyang sariling lolo sa probinsya ng Maguindanao ang isang pitong buwang sanggol.

Nakilala lamang ang biktima sa pangalan na si Baby Shine, residente ng Purok Bagumbong Brgy Poblacion Ampatuan Maguindanao.

Ang suspek naman ay ang kanyang 60-anyos na lolo na si alyas Doro, tricycle driver at nakatira sa bayan ng Parang Maguindanao.

Ayon kay Ampatuan Chief of Police Major Gilbert Acorbo, na tuliro umanong dumating ang suspek sa bahay ng kanyang anak at kinuha ang sanggol.

Dinala ng lolo ang sanggol sa national highway malapit sa tulay sa bayan ng Ampatuan.

Nang pigilan ang suspek ng kanyang mga kamag-anak at mga pulis, bigla nitong hinostage ang bata gamit ang matalim na itak.

Nagbanta pa ang suspek na gigilitan ang leeg ang sanggol kung may lalapit sa kanyang tao para agawin ito sa kanya.

Ngunit sa ginawang negosasyon ng pulisya at mga kamag-anak ng suspek pinakawalan din nito ang sanggol kinalaunan.

May malaking halaga umanong utang ang suspek na kanyang iniiwasan kaya balisa ito at wala sa tamang pag-iisip.

Ngunit may nakapagsabi sa kanyang mga kamag-anak na lulong ito sa iligal na droga.

Ang suspek ay nakapiit na sa ngayon sa lock-up cell ng Ampatuan PNP at patuloy na iniimbestigahan.