ROXAS CITY – Nilalanggam na at halos hinang-hina na nang matagpuan ang isang bagong silang na sanggol matapos diumanong inabandona sa isang taniman ng saging sa Barangay San Nicolas, Pilar, Capiz.
Sa panayam ng Bombo Radyo Roxas kay PMaj. Rachel Garnica hepe ng Pilar Municipal Police Station, sinabi nito na habang naglalakad ang isang concerned citizen sa gilid ng kalsada ay bigla itong nakarinig ng isang ingay na parang may umiiyak at nung bumaba ito sa nasabing taniman upang tignan doon at nakumpirma na isa pala itong sanggol.
Agad naman itong humingi ng tulong sa konseho ng kanilang Barangay at mabilis na dinala ang sanggol sa isang hospital sa karatig na bayan ng Pilar sa Balasan, Iloilo.
Kaugnay dito ay nagpaabot naman ng tulong Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ng nasabing bayan kung saan dali-dali naman silang pumunta sa nasabing ospital para matiyak ang kaligtasan ng nasabing sanggol na sa ngayon ay nasa stable na ang kondisyon.
Matapos naman ang isinasagawang background investigation sa lahat ng mga nagdadalang tao sa Brgy. San Nicolas, Pilar ay may natukoy na ang mga otoridad na posibleng may kagagawan sa pagabandona sa nasabing sanggol.