-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Itinuturing na miracle baby girl ang sanggol na isinilang matapos isailalim sa postmortem Cesarian ang ina na namatay dahil sa tuklaw ng ahas sa Diffun,Quirino.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Moises Lazaro, Medical Director ng Diffun District Hospital na ang buntis na ina ng sanggol ay dinala sa pagamutan matapos tuklawin ng ahas at nang isailalim sa pagsusuri ay nakitang wala nang buhay bagamat sinuri pa rin ang kanyang vital signs.

Napansin anya ni Dr. Lazaro ang ina ng sanggol ay 36 anyos, may-sawa at residente Gulac, Diffun, Quirino.

Sa kuwento anya ng hipag ng biktima, nagtungo sa ilog ang hipag kasama ang dalawang anak nang matuklaw umano ng malaking ahas.

Nagtamo anya ng dalawang kagat ng ahas sa balikat ang biktima.

Noong nakarating na sa pagamutan ang biktima ay wala nang vital signs ngunit napansin ni Dr. Lazaro ang tiyan nito na naka-steady ang contraction sa uteros.

Naghinala anya si Dr. Lazaro na hindi naabutan ng venum ang sanggol kayat agad nilang sinuri ang kalagayan ng sanggol at nakitang buhay pa.

Agad anya silang nagsagawa ng postmortem cesarian at nakitang kaya nagkaroon ng contraction ay handa nang lumabas ang baby.

Unti-unti anyang nagkaroon ng paghinga ang bata at pagtibok ng puso habang patuloy nilang nire-revive.

Binigyan na ng newborn care ang sanggol at inilipat sa neonatal intensive care unit ng Cagayan Valley Medical Center sa Tuguegarao City.