VIGAN CITY – Patuloy pa ring iniimbestigahan ng mga kapulisan kung sino ang nagtapon ng isang sanggol sa Brgy. Casili, Sto. Domingo, Ilocos Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Police Staff Sgt. Maximo Ramos, ginagawa na nila lahat ang kanilang makakaya upang malaman kung sino ang may pakana sa paglalagay sa sanggol sa isang plastic at pag-iwan nito sa isang abandonadong lugar.
Kung sakali aniyang matagpuan kung sino ang nagtapon ay makakasuhan ito ng paglabag sa Republic Act 7610.
Ayon naman kay Carmen Balmaceda, ina ni Judith Balmaceda na nakatagpo sa sanggol na taga-Pantay, Fatima, Vigan City, nakahanda umano siyang sumailalim sa anumang proseso upang ampunin ang sanggol dahil naniniwala itong bigay g Diyos sa kanya at kapalit sa yumaong anak.
Plano umano ng mag-ina at ng kasama nila na pumunta sa dagat nang tumawag ang anak ni Carmen sakanya upang ipaalam na nakarinig ito ng iyak ng sanggol kung kaya’t napilitan naman silang bumalik at hinanap ang sanggol hanggang sa matagpuan nila itong nakabalot sa plastic.
Agad umanong pinunit ni Carmen ang plastic dahil sa takot na baka ma-suffocate ang sanggol at agad dinala sa kanilang Rural Health Unit upang isailalim ito sa medico legal.