CAUAYAN CITY – Nagdadalamhati ngayon ang pamilya Albano dahil sa pagkakasawi ng bunso na mahigit one month old na sanggol matapos umanong tanggihang gamutin sa isang pribadong pagamutan sa Cauayan City
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Gng. Lyn Albano, ina ng nasawing sanggol at residente ng Barangay District 2, Cauayan City na nagtungo sila kaninang madaling araw sa isang pribadong pagamutan dahil nais ipa-admit sana ang sanggol dahil hirap huminga.
Nais anya niyang ma-oxygen ang anak dahil napansing hirap na huminga.
Ngunit hindi anya sila pinayagang makapasok dahil kailangang sumailalim muna sila sa swab test bago papasukin sa pagamutan.
Nakiusap anya siya na kung puwede ay utangin muna nila ang bayad sa swab test ngunit hindi pumayag ang pamunuan ng ospital.
Naghanap anya ng pera si Albano para maipambayad sa kanilang swab test kayat naiwan ang kanyang isa sa mga anak at binantayan ang kapatid na sanggol ngunit pagbalik niya ay patay na ang kanyang anak.
Naghihinanakit si Mrs. Albano sa pamunuan ng nasabing ospital dahil hindi man lamang pumayag na unahin ang kapakanan ng bata na nahihirapang huminga dahil mababayaran naman niya ang bayad ng swab test na uutangin.
Wala anyang ginawa ang pagamutan para iligtas ang buhay ng kanyang anak at nais nitong sampahan ng kaso ang pamunuan ng nasabing pagamutan upang hindi na maulit sa iba ang dinanas ng anak
Samantala, inihayag naman ni Jonas Albano, kapatid ng sanggol na na tumitirik na ang mata ng kanyang kapatid habang sila ay nasa labas ng pagamutan at nagpapatulong siya sa dalawang nurse ngunit hindi man lamang daw sila inasikaso at sinabi pang patay na ang sanggol ngunit gumagalaw pa naman.
Dahil anya sa patuloy niyang pakiusap ay dinala sa likod ng ospital ang kapatid ngunit hindi agad nilagyan ng oxygen kayat binawian ng buhay
Samantala, sinubukang ng Bombo Radyo na kunan ng pahayag ang pamunuan ng nasabing pagamutan ngunit kailangan pa nila itong imbestigahan at tanging ang medical director ang maaaring magbigay ng pahayag.