CENTRAL MINDANAO – Samot saring mga armas at pampasabog ang narekober ng mga otoridad sa inilunsad na law enforcement operation sa lalawigan ng Maguindanao.
Ayon kay Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Maguindanao chief, Major Esmael Madin, isinilbi nila ang warrant of arrest kina Joross Guimad at Joemar Sagandingan na mga tauhan umano ni Kumander Grasscutter na sangkot sa bentahan ng shabu at sa ilang krimen sa Pandag, Maguindanao katuwang ang 601st Brigade.
Ngunit bago dumating ang raiding team ay natunugan na sila at nakatakas ang mga suspek.
Narekober sa kuta ng mga suspek ang dalawang fragmentation grenades, isang rifle grenade, isang .50 caliber Barrett sniper’s rifle, isang M-79 grenade launcher, piyesa ng mga baril at anim na .38 caliber revolver at mga sangkap ng pampasabog.
Pinuri naman ni 6th Infantry Kampilan Division chief at Joint Task Force Central commander Maj. Gen. Juvymax Uy ang 601st Brigade sa pamumuno ni Brig. Gen. Roy Galido sa naging resulta ng kanilang operasyon katuwang ang PNP.