-- Advertisements --

Nakolekta ang sangkaterbang mga ilegal na campaign materials sa pagsisimula ng campaign period kasabay ng pagkasa ng ‘Operation Baklas’ sa buong bansa. Ayon sa Commission on Elections (COMELEC), ang mga nakuhang mga posters ay kanilang itatabi at ia-aaccount upang magamit bilang ebidensya kung sakali man na may mga kandidatong nagmamatigas na paulit-ulit na pinapaskil pa rin ito sa mga hindi common poster areas.

Sa kasalukuyan, patuloy ang pag-iikot ng mga local COMELEC sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang tanggalin ang mga illegally posted na mga campaign materials na nasa mga poste ng kuryente o di kaya’y nasa mga puno pa. Ayon kay Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia, tatlong araw lamang ang ibibigay nila sa mga kandidato upang tanggalin ang mga ito dahil kung hindi ito masunod, sila na mismo ang magtatanggal nito at maaari pa silang humarap sa kasong kriminal.

Ipinaliwanag din ni COMELEC Chairman Garcia na maaari nilang i-presume ang mga kandidato na sila pa rin ang mga naglagay ng mga ito kahit na sabihin pa nilang, kalaban ang nagkabit o di kaya’y mga supporters lang nila, aniya ang mga kandidato na lamang ang magpapaliwanag para rito. Dagdag pa niya na kung ito kasi ay kanilang hahayaan na lamang, paulit-ulit na magiging dahilan ito ng mga kandidatong mahuhuli sa ganitong aktibidad.

Kaugnay pa nito, tiniyak din ni COMELEC Chairman Garcia na wala silang papalampasin sa ‘Operation Baklas’. Lahat ng lalabag ay mabibigyan ng karampatang aksyon. Hinimok niya rin ang mga lokal na kandidato na sana sa pagpasok ng kanilang campaign period sa Marso 28 ay iwasan na nila ang mga ganitong ilegal na campaign materials para hindi na rin mabaklas at masayang ang kanilang mga nagastos.

Hinikayat din ni COMELEC Chairman Garcia ang publiko na kung sakaling may maaaktuhan na ganito ay maaari itong kunan ng litrato o videohan at ipadala sa tanggapan. Tiniyak niya na magpapadala agad sila sa area ng mga local COMELEC upang baklasin ito.