-- Advertisements --
PMA CADET
Cadet 4th Class Darwin Dormitorio

BAGUIO CITY – Naistablisa umano ng Baguio City Police Office (BCPO) ang pattern ng behavior nina 3rd Class Cadet Felix Lumbag Jr. at 3rd Class Cadet Shalimar Imperial sa pagpapahirap ng mga ito sa namatay na si 4th Class Cadet Darwin Dormitorio.

Ayon kay Col Allen Rae Co, direktor ng BCPO, sa pamamagitan ng journal ni Dormitorio ay nakita nila na may “concerted effort” sina Lumbag at Imperial na “consistent” na pahirapan si Dormitorio na nagresulta sa pagkamatay nito.

Aniya, malaki ring tulong ang journal ni Dormitorio sa imbestigasyon dahil “very relevant” ang mga entries nito lalo na ang mga nangyari nang ma-discharge ito sa ospital sa unang pagpapahirap noong August 19.

Sinabi niya na malaking tulong ang pagbanggit ni Cadet Dormitorio sa naging papel nina Lumbag at Imperial sa pagpapahirap dito.

Batay sa imbestigasyon, maraming beses na sinaktan nina Lumbag at Imperial si Cadet Dormitorio.

Maalalang noong August 19 ay mahigit 20 minutes na pinahirapan nina Lumbag, Imperial at Manalo si Dormitorio dahil nagastos nito ang kalahati ng kanyang allowance.

Pinagsusuntok umano at pinagtatadyakan nina Lumbag at Imperial si Dormitorio na nagresulta sa pagka-confine ng plebo sa PMA Station Hospital ng walong araw.

Samantala, tinadyakan daw ni Cadet Imperial ang mukha ni Cadet Dormitorio noong August 28 matapos itong makalabas ng ospital na nagresulta ng lubhang pagdugo ng kanyang ilong.

Kinagabihan ng Sepymber 14, minaltrato naman nina Imperial, Lumbag at Manalo si Cadet Dormitorio sa pamamagitan ng paglagay ng plastic bag sa ulo ni Dormitorio hanggang sa muntik na itong ma-suffocate kasabay ng pagtali nila sa mga kamay nito sa kanyang batok at ninagyan pa nila ng walis tambo ang pagitan ng mga kamay at batok ng biktima.

September 17, minaltrato muli nina Lumbag at Imperial si Cadet Dormitorio sa utos ni 1st Class Cadet Axl Rey Sanopao dahil sa nawawalang combat boots nito na ipinagkatiwala niya sa namatay na kadete.

Samantala, ayon kay Police Regional Office Cordillera (PROCOR) regional director Brig. Gen. Israel Ephraim Dickson, hinihintay na lamang nila ang pagdating ng representative ng pamilya Dormitorio sa Baguio City para sa pagsasampa ng kaso.

Aniya, magsisilbing private complainant ang pamilya Dormitorio sa mga kasong isasampa laban sa mga suspek na responsable sa pagmaltrato sa namatay na plebo.

Sinabi nito na kabuuang pito ang bilang ng mga suspek na kadete sa pagmaltrato kay Cadet Dormitorio maliban pa sa dalawang medical personnel ng PMA Station Hospital dahil sa maling diagnosis at findings ng dinala doon si Cadet Dormitorio.

Dinagdag pa niya na kasong paglabag sa Anti-Hazing Law and/or murder ang isasampang kaso laban sa mga suspek na kadete ngunit magdedepende sa piskalya kung ano ang kaso na kakaharapin ng bawat suspek.

Sa ngayon, under isolation ang mga suspek sa stockade ng Philippine Military Academy hangga’t hindi pa sila ipinapasakamay sa Baguio City Jail.

Magsisilbing witnesses sa kaso ang 14 na mga kadete, dalawang staff, tactical officer at isang non-commission officer ng PMA.