TUGUEGARAO CITY – Siniguro ng National Bureau of Investigation (NBI) Region 2 na hahabulin lahat nila ang mga sangkot sa pagre-recruit ng mga katutubong Agta sa Cagayan upang sumali sa rally sa Metro Manila sa paggunita ng martial law declaration sa September 21.
Ayon kay Atty. Gelacio Bongngat, regional director ng NBI-Region 2, paglabag sa Indigenous People’s Rights Act at Human Trafficking Law ang kasong isasampa laban sa National Peoples Initiative Council na umano’y responsable sa pagpapadala sa mga katutubo sa Manila.
Sinabi ni Bongngat na isang uri ng exploitation ang tangkang pagbiyahe sa mga Agta, kasama ang mga menor de edad sa kalakhang Maynila para sumama umano sa rally.
Sa salaysay ng mga mga nasagip na mga Agta sa Tuguegarao, pinangakuan umano sila ng mga recruiters ng tig-P1 million mula sa Marcos wealth.
Sinasamantala aniya ng grupo ang kakulangan sa edukasyon ng mga katutubo upang hikayatin na labanan ang pamahalaan.
Una nang naharang ng pulisya at nasagip ang 48 katutubong agta kung saan 37 sa Tuguegarao City at 11 sa bayan ng Alcala.