CAUAYAN CITY- Kinumpirma ng Southern Isabela Medical Center (SIMC) ang pagkasawi ni patient CV 976 na mula sa Santiago City bilang kauna-unahang nasawi dahil sa COVID-19 na residente ng Barangay Sinsayon.
Naitalang positibo sa COVID-19 noong September 7, 2020 na isang 67 anyos na ginang at residente ng Purok 6, Sinsayon, Santiago City.
Nauna nang isinailalim sa calibrated total lockdown ang ilang Purok ng nasabing Barangay ng mapag-alamang walang naging kasaysayan ng paglalakbay ang pasyente.
Dinala si patient CV976 sa SIMC noong September 3, 2020 makaraang makaranas ng mild symptoms.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Emmanuel Salamanca, OIC Medical Center Chief at Professional Education Training and Research Officer ng SIMC kinumpirma nito ang pagkasawi ng pasyente.
Ayon kay Dr. Salamanca, regular patient ng SIMC si CV976 na mayroong aplastic anemia o pagbaba ng Hemoglobin na bagamat walang travel history ay naitalang may comorbidities kabilang na ang hypertension at diabetes.
Tumagal anya ng mahigit isang linggo sa pagamutan bago nasawi ang pasyente.
Humina ang immune system ng pasyente dahil sa kanyang diabetes sanhi para dapuan siya ng virus.
Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Genaro Manalo, City Health Officer ng Santiago City patuloy pa rin ang kanilang pagsasagawa ng contact tracing sa mga lugar na may nakasalamuha ni patient CV 976 na kauna unahang nasawi sa Lunsod dahil sa COVID-19.
Pitu ang naitalang positibo sa COVID 19 sa Barangay Sinsayon habang nananatili sa Quarantine Facility ang ilan pang kaanak ng nasawi magmula nang isailalim sila sa RT PCR TEST.
Batay anya sa kanilang isinasagawang monitoring posibleng nakasalamuha at nakuha ni patient CV976 ang virus sa kanyang kamag-anak na bumabiyahe palabas ng lungsod patungo sa ilang high risk areas sa labas ng rehiyon dos.
Dalawa ring kapitbahay ng pasyente ang nagpositibo sa virus na ang isa ay isang pahinante na lumuluwas patungong Maynila.
Kaagad namang inilibing sa San Jose Cemetery ang pasyente bilang pagtugon sa DOH standard.