ILOILO CITY – Sapat umano ang supply ng test kits sa Western Visayas kahit na umakyat sa 16 ang kumpirmadong kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay dating Department of Health secretary at Iloilo 1st District Congresswoman Janette Garin, sinabi nito na sapat ang supply dahil ang isang test kit ay maaaring gamitin ng 22 ka tao.
Ayon kay Garin, umaabot sa 5,000 ang unang batch ng test kits na ipinamigay sa buong Western Visayas kung saan maaari itong gamitin ng 110,000 na mga pasyente.
Ayon kay Garin, aasahan ang karagdagang supply ngunit sa ngayon, ang health workers at ang mga nakasalamuha ng COVID-19 patients ang dapat na mauna sa paggamit ng test kits.
Ang mga nakarandam naman ng sintomas ng COVID-19 ayon kay Garin ay dapat na isailalim sa isolation sa hospital upang hindi na makahawa sa iba.
Sa panahaon ng krisis, inihayag ng dating kalihim na walang puwang para sa diskriminasyon at sa halip dapat na magtulungan ang lahat upang mapuksa ang pandemic.