
MANILA – Tiniyak ng National Water Resources Board (NWRB) na sapat ang supply ng tubig sa mga dam ng Luzon.
Pahayag ito ng ahensya sa gitna ng naranasang pagnipis sa supply ng kuryente ng Luzon grid nitong nakaraang linggo.
“Sa ngayon nagiging pabor ang panahon at mga projection na binibigay ng PAGASA,” ani Dr. Sevillo David, Executive Director ng NWRB.
Patuloy ang koordinasyon ng ahensya sa weather bureau para sa monitoring ng lagay ng mga dam.
Kung maaalala, nagkaroon ng “water crisis” ang Metro Manila noong 2019 dahil sa mababang antas ng tubig sa ilang dam.
“Sa ngayon ay kasama natin ang isang sangay ng DOST (Department of Science and Technology) sa pagmo-monitor ng mga dam, at napaka-importante ng mga climate projection na binibigay nila. Ito ay ginagamit ng isang technical working group na pinangungunahan ng NWRB, kasama ang PAGASA, sa pagmonitor ng mga dam natin, lalo na ang Angat Dam.”
“Sa ngayon dahil sa kontribusyon ng TWG at yung input sa climate ng PAGASA, napa-plano natin ng maayos ang pag-allocate ng tubig para maiwasan ang water shortage.”
Nitong Biyernes nang ideklara ng PAGASA ang opisyal na pagsisimula ng tag-ulan sa bansa.
Naghahanda na rin daw ang NWRB sakaling umapaw ang mga dam dahil sa mga paparating na ulan.