-- Advertisements --

Tiniyak ng National Food Authority (NFA) na may sapat na buffer stock ng bigas sakaling may tumamang kalamidad sa gitna ng holiday season.

Ginawa ng NFA ang pagtitiyak na ito kasunod ng mga naitatalang aktibidad sa bulkang Kanlaon na nakaapekto sa mga residente malapit sa bulkan at ang namonitor na forecast sa intertropical convergence at mga pag-ulan sa malaking parte ng bansa.

Ayon kay NFA Administrator Larry Lacson, inatasan na nila ang kanilang mga empleyado na nasa field para sa agarang pag-activate ng Operation Centers sa mga lugar na apektado ng baha, bagyo at iba pang emergencies at para buksan ang kanilang hotlines para bilisan ang koordinasyon sa kanilang relief institutions.

Pinaigting na din ng ahensiya ang mga ginagawang estratehiya sa pagbili ng mga palay sa ilalim ng Price Range Scheme para matugunan ang kinakailangang bigas na ipinamimigay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at mga lokal na pamahalaan para sa mga apektadong pamilya sa mga lugar na sinalanta ng kalamidad.

Iniulat din ng NFA na nakumpleto na nito ang 95% target para sa buffer stocking ng bigas ngayong taon kung saan ang kasalukuyang buffer stock nito ay nasa 5.661 million bags na katumbas ng milled rice.