Siniguro ng Philippine Red Cross na may sapat na suplay ng dugo sa gitna ng pagsipa ng mga kaso ng dengue.
Ginawa ni PRC Chairman at Chief Executive Officer (CEO) Richard Gordon ang pagtitiyak sa isang statement matapos na magdeklara na ng state of calamity ang Ormoc City dahil sa health emergency dulot ng dengue.
Ayon sa PRC, ang deklarasyon ng state of calamity sa lungsod ay matapos lumobo ng 225% ang dengue cases kumpara noong nakalipas na taon.
Gayunman, handa at naka-standby aniya ang chapters ng PRC sa Iloilo at Ormoc.
Liban pa rito, ayon sa PRC itinaas na rin ng Quezon City Health Office ang alarma matapos tukuyin ang 12 barangay bilang dengue hostpots.
Kinumpirma din aniya ng Department of Health na ang mga kaso ng dengue sa buong Pilipinas ay tumaas ng 33% ngayong 2024 kumpara sa parehong period noong 2023.
Samantala, maliban sa pagtiyak na may sapat na suplay ng dugo para sa mga pasyenteng dinapuan ng dengue, mayroon ding itinalagang team ang PRC sa mga komunidad na nagpapakalat ng kaalaman para mapigilan ang dengue, maagang ma-detect gayundin ang control measures sa sakit na nakatutok sa high-risk areas tulad ng Iloilo at Quezon city.