-- Advertisements --

Bumandera ang pangalan ni Davao City Mayor Sara Duterte sa mga posibleng tumakbo bilang pangulo sa 2022 national elections.

Batay sa survey na isinagawa ng Pulse Asia, 26% sa 2,400 respondents ang nagsabi na iboboto nila si Duterte sakaling magpasya itong tumakbo sa halalan.

“If the May 2022 presidential election was held during the survey period, around one (1) out of every four (4) Filipino adults (26%) would vote for Davao City Mayor Sara Duterte as the country’s new chief executive,” saad ng Pulse Asia.

Malaki rin umano ang nakuhang suporta ng alkalde sa Mindanao (58%) at sa Visayas (29%).

Tabla naman sa ikalawang puwesto sina Sen. Grace Poe at dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na may 14%.

Nasa ikatlong puwesto si Manila City Mayor Isko Moreno na may 12%, at sinundan ni Sen. Manny Pacquiao na may 10%.

Habang ang posibleng maging manok ng oposisyon na si Vice President Leni Robredo ay nasa ikaanim na puwesto na may 8%.

Sang-ayon sa survey, mas mataas ang puntos na nakalap ni Marcos sa Metro Manila na 20% kung ihahambing sa 18% ni Moreno.

Si Robredo naman ang pinakamataas sa Balanced Luzon na may 13% rating.