DAVAO CITY – Matapos ang inaugural ceremony kahapon ay naging abala na si Vice President-elect Sara Duterte para makibahagi sa kanyang mga kababayan sa Davao City.
Halos walang katapusan na pagpapakuha ng larawan o photo op ang sumunod kung saan pinagbigyan nito ang hiling ng mga tagasuporta sa ginanap na okasyon sa tapat ng Davao City Hall.
Sa haba ng pila ay umabot ng alas-11:00 ito ng gabi na may nagpapakuha pa rin ng larawan sa bise presidente.
Habang patuloy namang inaaliw ng “Musikahan Pasasalamat” ang mga tagasuporta na nananatili sa venue hanggang magtapos ito bago maghating gabi.
Batay sa crowd estimate ng PNP umaabot sa 20,000 ang bilang ng mga Dabawenyo na dumalo kahapon.
Sa hanay ng kapulisan umabot sa mahigit 4,000 police personnel ang nai-deploy sa event kung saan mahigit 1,000 ang nasa venue perimeter mismo.
Samantala sa record ng Central 911 emergency team, may 18 katao naman ang hinimatay.