-- Advertisements --

Sa kauna-unahang pagkakataon, kikilalanin ng Billboard ang isang born-and-raised full blooded Filipina. 

Inanunsiyo kasi ng sikat na international music and entertainment magazine na tatanggap ng Global Force Award si Popstar Royalty Sarah Geronimo sa gaganaping Billboard Women in Music Awards sa March 6 sa Los Angeles, California. 

Ayon sa Billboard Philippines na nag-nomina kay Sarah G, kinikilala ng parangal ang impluwensiya nito sa musikang Pilipino at sa buong mundo. 

Ipinakita umano ng singer ang kahusayan nito bilang isang all-around performer kung saan inukit na raw ang kanyang pangalan sa larangan ng musika at entertainment dahil sa top-selling concerts at chart-topping hit songs nito. 

Dagdag pa ng Billboard, naging inspirasyon si Sarah G para sa mga babae at sa lahat ng nangangarap na singers at artists.

Higit pa rito, sinisimbolo raw ng Popstar ang kahulugan ng isang tunay na Filipina. 

Dahil dito, makakahilera na ni Sarah Geronimo ang malalaking pangalan sa larangan ng entertainment na kinilala rin ng Billboard katulad ni Beyonce, Taylor Swift, at Lady Gaga.