Pormal nang tinanggap ni Sarah Geronimo ang Global Force Award mula sa Billboard Women in Music Awards sa Los Angeles, California ngayong araw.
Gumawa ng kasaysayan ang Popstar Royalty dahil siya lang naman ang kauna-unahang Pilipino na tumanggap ng parangal mula sa prestihiyosong Billboard.
Sa kanyang speech, inalay ni Geronimo ang parangal sa lahat ng Filipino artist. Naniniwala raw siya na kayang-kaya makipagsabayan ng musikang Pilipino sa buong mundo.
Nanawagan din siya na huwag mag-away-away at huwag nang ikumpara ang bawat artists sa isa’t isa dahil diverse umano ang musika at kailangang pagyamanin ang lahat ng genre mapa-pop man daw ito o rock.
Inilalarawan umano ng kaniyang parangal ang katapangan at pag-asa. Katapangan na tumayo sa kabila ng mga pagsubok at pag-asang maging daan ang musika ng Pilipinas at ng ibang mga bansa para magkaroon ng positibong pagbabago sa mundo.
Pinasalamatan din ng singer ang kaniyang mga magulang at asawa sa paniniwala sa kaniyang talento.
Hindi rin daw magiging posible ang lahat kung hindi dahil sa kaniyang mga fans na walang sawang sumusuporta sa kaniya.
Sa blue carpet interview, pinasalamatan din ni Sarah ang kaniyang ina na si Divine Geronimo na itinuturing niyang bayani ng kaniyang buhay.