NAGA CITY – Iba’t ibang aktibidad ang nakatakdang gawin ngayong araw sa bayan ng Daet, Camarines Norte kung saan makikita ang tinaguriang oldest Rizal Monument sa buong mundo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Sherwin Mata, tagapagsalita ni Governor Edgardo “Egay” Tallado, sinabi nitong punong-puno ng nakahanay na aktibidad na nakatakdang gawin sa naturang bayan bilang bahagi ng pagdiriwang ng kaarawan ni Dr. Jose Rizal ngayong araw.
Ayon kay Mata, bagama’t ilang dekada na ang nakalipas mula ng ipatayo ang naturang monumento na matatagpuan malapit lamang sa Kapitolyo, ngunit hindi aniya nagkukulang mga pamahalaan sa pag-aalaga rito at sa ipinatutupad na seguridad.
Una na ring sinabi ni Abel Icatlo, provincial museum curator, patuloy nilang pinepreserba ang naturang monumento bilang bahagi ng kasaysayan ng bansa kung saan ito ang kauna-unahang monumento ng pambansang bayani na ipinatayo matapos mamatay sa Bagumbayan, Manila o mas kilala na ngayon sa tawag na Luneta o Rizal Park.
Ang naturang monumento ang isa sa ipinagmamalaki hindi lamang ng mga taga-Daet ngunit maging ng buong rehiyon.