-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Inaasahang darating na sa susunod na buwan ng Enero ang mga ultra-low temperature (ULT) freezers mula China na binili ng lokal na pamahalaan ng Baguio na gagamitin sa mga COVID-19 vaccines na matatanggap ng lungsod.

Ayon kay Mayor Benjamin Magalong, nag-order ang city government ng sarili nitong freezers para sa -2 at -8 na temperatura maliban pa sa mga freezers para sa pinaka-kritikal na temperatura na -20 hanggang -40 at -40hanggang -80.

Maaalalang isa ang Baguio sa mga napili bilang pilot areas para sa mass vaccination laban sa COVID-19.

Paliwanag ng alkalde, sinisigurado nila na handa ang Baguio na tanggapin ang mga darating na bakuna, anomang klase at temperatura ang kinakailangan ng mga ito.

Ayon sa kanya, na-order nila ang mga nasabing kagamitan sa tulong ng mga doktor na pamilya sa vaccine storage.

Umaapela din ang Contact Tracing Czar sa pribadong sektor para sa tulong ng mga ito sa pagbili ng mga bakuna kontra COVID-19 na gagamitin sa lungsod, kung saan 60-70% aniya ang nakuha na niyang commitment mula sa pribadong sektor.

Una na ring sinabi ni Mayor Magalong na inihahanda na rin nila ang cold chain facility ng lungsod kung saan isasagawa ang pagbakuna sa mga mamamayan ng Bagiuo.