Personal na humingi ng paumanhin ang chairman ng House Committee on Transportation sa publiko na nagdurusa sa araw-araw ng dahil sa lumalalang problema sa trapiko sa Metro Manila.
Sa kanyang ipinatawag na emergency meeting, emosyonal na humingi ng tawad si Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento sa mga mananakay dahil sa paghihirap ng mga ito sa pag-commute.
“From the bottom of my heart, as the chairman of the Committee on Transportation, including the vice chairpersons, the members of the Committee on Transportation, to include the members of the 18th Congress chaired by Speaker Alan Peter Cayetano, kami po’y humihingi ng paumanhin sa mamamayan for their suffering,” ani Sarmiento.
Nagpatawag ang kongresista ng emergency meeting upang makahanap ng agarang solusyon sa problema sa trapiko sa Metro Manila na lumala kamakailan dahil sa limitadong operasyon ng Light Rail Transit (LRT) Line-2 at ng ongoing na pag-aayos ng South Luzon Express Way.
Iginiit nito na sa kasalukuyan ay ramdam na ang krisis na ito kaya dapat lahat ay magtulong-tulong para maresolba ang problemang ito.
“I just hope that this time, our transport sector including our public utility operators can truly understand the gravity of our problem and take the actions necessary to get us out of this situation,” dagdag pa nito.
Nangako naman si Sarmiento na hahanap ang pamahalaan ng solusyon sa malawakang problema sa trapiko sa Metro Manila habang siya ang naka-upong chairman ng House committee on transportation.