-- Advertisements --

CEBU CITY – Kinansela ng mga alkalde ng ilang mga lokal na pamahalaan sa lalawigan ng Cebu ang kanilang taunang piyesta dahil na rin sa banta ng 2019 novel coronavirus acute respiratory disease.

Humingi ng pang-unawa si Consolacion Mayor Joannes Alegado sa mga residente ng kanilang bayan dahil sa desisyon nitong hindi na muna itutuloy ang kanilang Sarok Festival.

Aniya, mas mabuting iwasan na muna ang matataong lugar at huwag maging kampante sa kasagsagan ng pagkalat ng N-CoV.

Siniguro naman ng alkalde na matutuloy ang kanilang kapiyestahan anumang buwan sa taong ito kung wala nang banta ang nasabing virus.

Maliban sa Consolacion, Cebu ay hindi rin matutuloy ang Sinulog Festival ng Talisay City kung saan idadaraos sana ngayong araw ng Linggo ang kanilang grand parade.

Ngunit nitong Sabado ng umaga naman ay kanilang itinuloy ang fluvial parade.

Kasama sa mga hindi itutuloy ang mga nightly activities sa kapiyestahan ng Barangay Mohon sa nabanggit na lungsod pati na rin sa iba pang mga barangay.

Nilinaw ni Talisay City Mayor Gerard Anthony Gullas na ang nasabing pagkansela ay ang rekomendasyon rin ng kanilang mga City Health Officials, pulisya at mismong mga namamahala ng kanilang simbahan.

Kaugnay nito, ipinaliwanag ni Mayor Gullas sa mga Talisaynon na ang nasabing desisyon ay para rin sa kaligtasan ng lahat mula sa banta ng naturang virus.