LAOAG CITY – Nagtagumpay ang Sarrat National High School sa Hong Kong International Computational Robotics Olympiad 2024 na ginanap sa Singapore.
Ayon kay Dr. Marietta Yap, School Principal IV ng nasabing paaralan, laking tuwa nila matapos magtagumpay ang kanilang sampung estudyante kung saan naparangalan si Anne Gelyne Ruiz bilang Overall Champion Gold Award sa Python Programming sa Senior Secondary kasama sina Aisen Rone Eirholf Baluan bilang First Runner-Up Gold Award, Carl Melvic Hilario at Arianne Nicole Rasalan na parehong nakakuha ng Gold Award habang si Hemdan Addiel Calipjo ay nakapag-uwi naman ng Gold Award sa larangan ng online.
Bukod dito, nakakuha sina Kyle Fernando Austria at Jeshia Sabido ng Bronze Award sa Blockly Programming – Secondary 1.
Inihayag ni Yap na sina Myrelle Gaoiran, Asher Loran Grace Ganal at Princess Althea Hermano ay nanalo rin sa Hong Kong International Science Olympiad 2024 sa Singapore.
Kaugnay nito, sinabi ni Anne Gelyne Ruiz, Overall Champion Gold Awardee na ang pinakamalaking hamon sa kanila ay ang time management dahil hindi sila nagre-review noong mga araw ng pasukan ngunit nang matapos ang School Year ay nagsimula na silang mag-review.
Samantala, inaasahang tatanggap ng Legendary Award ang mga estudyante ng Mathematics ng Sarrat National High School mula Agosto 23 hanggang 26 sa Singapore.
Una rito, sampung estudyante ang kinilala ng Sangguniang Panlalawigan.