KALIBO, Aklan – Maswerteng nakaligtas ang isang motorista matapos na bigla na lamang na nagliyab ang minamanehong sasakyan habang binabaybay ang kahabaan ng barangay road ng Brgy. Tigayon, Kalibo.
Ayon kay FO3 Joseph Dapitillo ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Kalibo, batay sa kanilang inisyal na imbestigasyon, nangyari ang insidente habang minamaneho ng may-ari na si Cicero Reyes ang kanyang kulay itim na Mitsubishi Adventure na may plate number na WP-559 na medyu may kalumaan na.
Mula umano ito sa kanilang bahay at papunta sana sa isang pribadong paaralan, ngunit pagdating sa naturang lugar ay bigla na lamang umaso ang unahang bahagi ng sasakyan hanggang noong huli ay umapoy.
Agad na lumabas sa kanyang sasakyan ang may-ari at pinagsumikapang patayin ang apoy.
Subalit, sa pag-responde lamang ng mga bumbero ito tuluyang naapula.
Tinatayang P200,000 ang danyos sa insidente at sinasabing short circuit ang pinagmulan ng sunog.