DAVAO CITY – Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng kapulisan hinggil sa nangyaring pagsabog ng hindi pa matukoy na bagay sa isang saksakyan na nakaparada sa Ecoland, Davao City.
Ayon kay PCol. Alberto Lupaz,ang City Director sa Davao City Police Office may dalawang indibidwal na lumapit sa sasakyan kung saan ay may isinilid ang mga ito na isang bagay na di pa natukoy, limang minuto bago nangyari ang pagsabog.
Sa pagsisiyasat ng kapulisan, isang abugado na kinilalang si Atty. Magulta ang may-ari ng sasakyan, at napag-alamang mabibigat na kaso sa Region XII ang hinahawakan nito.
Nakatanggap din umano ng banta ang nasabing abugado bago nangyari ang pagsabog. Kung kaya’t ikinokonsidera ng PNP na pananakot lamang at hindi terrorism ang nangyaring pagsabog.
Sa ngayon ay hawak na ng pulisya ang kopya ng CCTV footage, pero nag atubili pa ang kapulisan na kumpirmahing IED ang sumabog sapagkat nagpapatuloy parin ang pag-aaral sa fragment ng bagay na sumabog sa trunk ng sasakyan.
Bagama’t walang naitalang namatay o sugatan sa nangyari pero dahil sa lakas ng pagsabog ay nadamay pa ang kalapit na saksakyang nakaparada rin ng mga oras na iyon.