NAGA CITY – Nag-iwan ng limang kataong patay habang 14 apat naman ang sugatan matapos sumalpok sa poste ang sinasakyang van sa Ragay, Camarines Sur.
Kinilala ang mga nasawi na sina Ryan Desuacedo, 25-anyos; Jedro Polo, 24; Gabby Duhapa, 21, at dalawang kataong hindi pa pinapangalanan.
Nagtamo naman ng mga sugat sa kanilang katawan ang 14 na iba pa kabilang na ang dalawang menor de edad.
Ayon kay P/Maj. Ryan Remando, hepe ng Ragay Municipal Police Station, galing pa sa Balintawak, Quezon City ang mga biktima at uuwi sana sa Irosin, Sorsogon para bumoto sa darating na May 9, 2022 election.
Ngunit sa kasamaang palad, pagdating sa bahagi ng Andaya Highway, Barangay Port Junction Norte sa bayan ng Ragay, nang pumutok ang kanang gulong ng sasakyan bago ito tuluyang sumalpok sa poste ng isang internet provider
Dagdag pa ni Remando, mabilis umano ang patakbo ng driver ng van na nagngangalang Reyno Polo, 47-anyos, kung kaya tila nayuping lata ang sasakyan nang sumalpok ito sa poste na naging dahilan ng pagkamatay at pagkasugat ng mga biktima.
Ayon pa sa imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na magpipinsan ang mga biktima.
Samantala, maituturing umanong accident prone area ang lugar kung kaya paalala na lamang ni Remando sa lahat ng mga driver na mag-ingat sa tuwing nagmamaneho para maiwasan ang kahalintulad na aksidente.