Hindi rin nakalimutan ng bagong kampeon sa U.S. Women’s Open sa larangan ng golf na si Yuka Saso ang kanyang mga kababayang Pinoy na pasalamatan.
Una rito, kaninang umaga si Saso ang nagwagi bilang kauna-unahang golfer mula sa Pilipinas na nakakuha ng prestihiyosong titulo o major golf title.
Makasaysayan ang naabot ni Saso dahil napantayan niya ang noo’y 2008 na nagkampeon din na si Inbee Park bilang pinakabatang U.S. Women’s Open champion sa edad na 19 years, 11 months, 17 days.
Si Saso ay ipinanganak sa San Ildefonso, Bulacan kung saan ang ina ay isang Pinay at Japanese naman ang ama.
Dati na siyang nanalo ng kauna-unahang gold medal para sa Pilipinas at maging sa team event sa Asian Games golf competitions.
Sa ginanap na press conference sa San Francsico sa Amerika, todo pasalamat si Saso at nagsalita pa ng Filipino dahil sa suporta ng mga kababayan na ipinaabot sa kanya at sa mismong araw kung saan siya nagkampeon.