Pinalaya na ng Talaingod PNP kagabi sina dating Bayan Representative Satur Ocampo, ACT Teachers Partyl-list Rep. France Castro at 16 pang iba na mga kasamahan mula sa pagkakakulong matapos payagan ng korte na makapag piyansa kapalit ng kanilang pansamantalang kalayaan.
Una ng ipinag utos ni Tagum City Executive Judge Arlene Palabrica sa mga pulis na iprisinta sa kaniya ang Talaingod 18 pero hindi nag comply ang mga pulis kaya nagdesisyon itong palayain ang mga inarestong indibidwal.
Inirekumenda ni Judge Palabrica na magbayad ng piyansa na P80,000.00 bawat isa.
Ayon kay Atty. Joel Mahinay ng Union of Peoples lawyer na nasa P1.44 million ang kanilang ibinayad na piyansa para sa grupo ni Satur Ocampo.
Sinampahan ng kidnapping at child trafficking ng PNP ang grupo ni Ocampo matapos mahuli sa isang checkpoint.
Dinepensa naman ni PNP chief PDGen. Oscar Albayalde ang ginawang pag aresto sa grupo ni Ocampo at sinabing may ginawang paglabag ang grupo ng dating mambabatas.
Inaabangan na rin ng Karapatan ang grupo ni Ocampo na makaalis mula sa detention facility ng Talaingod PNP.