BACOLOD CITY – Patuloy na inaapula ang apoy sa isang planta ng Aramco oil firm sa Abqaiq na siyang nagkaroon ng malaking pinsala dulot ng drone attack noong Sabado ng madaling araw sa Saudi Arabia.
Sa panayam ng Star FM Bacolod kay “Ramy,” Pinoy na nagtatrabaho sa Abquiq, Aramco, Saudi Arabia, sa kabila aniya ng tensyon doon ay balik trabaho na sila.
Gayunman, ramdam nila ang matinding init mula sa nasusunog na planta ng langis at hinaharangan lang ito ng mga pulis para hindi malapitan ng mga tao.
Kuwento naman ni Ugwem, Overseas Filipino Worker na nagtatrabaho sa Khurais na tinaman din ng pag-atake, hinarang sila at pinabalik sa kani-kanilang camp noong araw na papasok sila ng trabaho matapos ang drone attack.
Inakala raw nilang nagkaroon ng gas leak pero wala namang naka-duty sa oras ng pagsabog kaya walang nasaktan.
Balik na rin ang operasyon kahit patuloy pa ang pag-iimbestiga sa bahagi ng planta na sumabog.
Samantala, kinumpirma ng Embahada ng Pilipinas sa Saudi Arabia na walang Pilipinong nasaktan at patuloy ang pag-monitor nila sa sitwasyon para sa kaligtasan at seguridad ng mga kababayan sa nasabing bansa