KALIBO, Aklan—Nagpalabas ng resolution ang sangguniang bayan ng Malay upang linawin sa publiko na wala silang ipinalabas na endorsement kaugnay sa pagpapatayo ng kontrobersiyal na tulay na kokonekta sa Isla ng Boracay at mainland Malay.
Ayon kay Ex Officio member Mannie Casidsid, wala pang lumapit sa kanila na konektado sa San Miguel Corporation upang pag-usapan ang nasabing proyekto.
Sa katunayan aniya ay hindi rin ito sang-ayon na lagyan ng tulay patawid sa Boracay dahil hindi lamang ang kooperatiba ng mga boat operators at members ang maapektuhan kundi maging ang mga cargo boat.
Tiniyak nito na bago iendorso ang proyekto ay dadaan ito sa tamang proseso at pagsolusyon partikular ang pagpapatawag ng public hearing upang makuha ang pulso ng mamamayan.
Sa kabilang dako, inihayag naman ni Malay SB member Alan Palma Sr. na magpapalabas sila ng kaukulang panindigan sa nasabing isyu sakaling ilahad sa mga ito ang proposed project ng San Miguel Corporation.
Sa kasalukuyan ay wala pang natanggap ang lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan at Sangguniang Bayan na aplikasyon kaugnay sa balak na proyekto na nagkakahalaga ng P5.5 bilyon pesos.